By BIANCA ROSE DABU, GMA NEWS July 1, 2015 6:05pm Nakilala ang dating beauty queen na naging sexy actress na si Lyka Ugarte matapos siyang manalo na first runner-up sa Mutya ng Pilipinas noong 1983, at itanghal ding “Most Beautiful Girl in the Philippines” sa nabanggit ding taon. bigo sa pag-ibig Kasunod nito ay pinasok na ni Lyka ang showbiz at sumikat siya sa mga ginawang sexy comedy films gaya ng, “May Lamok sa Loob ng Kulambo” at “May Daga sa Labas ng Lungga” noong 1984; gayundin ang mga pelikulang “Lalakwe,” “Turuang Apoy,” at action film na, “Boboy Tibayan: Tigre ng Cavite.” Sa kabila ng mabilis na pagsikat bilang modelo at artista, tinalikuran ni Lyka ang kinang ng showbiz nang magpasya siyang pumunta sa America nang dahil sa pag-ibig. Kuwento ng dating sexy actress kay Reah Santos sa “Tunay na Buhay” nitong Martes, “Nagpunta ako sa America. It was because of a relationship. Sumunod ako sa isang tao. Na-in love ako, iniwan lahat. Pagdating ko doon, na-realize ko na it's not all about love.” Nagkaroon siya ng apat na anak at hindi kalaunan ay nakipag-divorce rin sa asawa. Matapos ang 11 taon, bumalik si Lyka sa Pilipinas ngunit naging mailap na sa kaniya ang mga proyekto sa industriyang minsang nagmahal sa kaniya. Dahil kailangang kumayod para buhayin ang mga anak, walang pag-aalinlangan tinanggap ni Lyka ang trabaho bilang head of operations ng isang mall si Lyka sa tulong na ng kaniyang kaibigan. Malaki ang pasasalamat ng kaniyang mga anak dahil sa pagiging matatag at maabilidad ni Lyka sa kabila ng mga kahirapan at pagsubok na dinanas ng kanilang pamilya. “Wala akong masasabi, kasi si Mommy 'pag kayod, kayod talaga. Kung ano man ang kailangan namin, she always provided,” ayon kay Kimberly Stone Lao, anak ni Lyka. Suicide attempts Dahil naman sa kabiguan sa pag-ibig, ilang beses nang nagtangkang magpakamatay ni Lyka. “Hindi ako mamatay-matay," lahad ng dating beauty queen. "Sabi ko, 'There must be a reason.' Hindi ko na mabilang (kung nakailang attempt). Pero the worse one was nung uminom ako ng about 125,000 milligrams of different medicines. Na-ambulance ako, pa-Makati Med. Halos patay na ako, actually. Na-dialysis ako para malinis ang blood ko and na-ICU ako for three days.” Patuloy niya, “Hindi pa ako natapos doon. Sabi ko, 'Hindi nag-work ito, so eto naman.' I was depressed, tuwing gigising ako, wala akong rason na mabuhay.” Kinalaunan, napag-isip-isip umano ni Lyka na lahat ng sakit na kaniyang narararamdaman ay nawawala rin paglipas ng panahon. “Lahat ng past ko na masakit, masakit siya at that time. Kapag nag-bounce back ako, ni hindi ko na matandaan kung bakit siya masakit. Hindi ko na alam kung bakit ako nagpakamatay,” aniya. Kaugnay ng masalimuot niyang pinagdaanan, pinaalalahanan ng dating sexy actress at beauty queen ang lahat ng mga dumadanas ng pagsubok na huwag panghinaan ng loob. “'Pag nadapa ka, tayo lang nang tayo. Papakita sa'yo, magbubukas ang bintana. Konting liwanag man, makikita mo ang liwanag na 'yon,” payo ni Lyka. Call Center Agent and New Love Sa ngayon, nagtatrabaho bilang isang call center agent ang dating aktres at beauty queen, at sa simpleng pamumuhay raw niya natagpuan ang katahimikan at kapayapaan ng puso na matagal na niyang inaasam. Paliwanag niya, “Nag-umpisa ulit ako by living simple. Living with the basics.” Muli ring nakatagpo ng pag-ibig si Lyka sa katauhan ni Chie Martin, na kasama niya ngayon sa buhay at katuwang sa munting negosyo na kaniyang ipinundar na pagbebenta ng pagkain. Sabi ni Chie, “As a partner, lagi kong sinasabi na she is an amazing person. Si Lyka yung tao na misunderstood by lots kasi akala nila snob. Funny siyang tao, she loves life. Gusto lang niya masaya. Hindi siya mahirap pakibagayan.” Bukod sa pagiging call center agent, abala rin ngayon si Lyka sa pagbebenta ng tapa, tocino, longganisa, bagoong, embotido, desserts in a bottle at marami pang iba, na karamihan ay naibebenta rin niya sa mga co-workers niya sa call center. -- FRJ, GMA News More from: http://www.gmanetwork.com/news/story/514006/showbiz/chikaminute/ex-beauty-queen-at-sexy-actress-call-center-agent-na-ngayon-nagtitinda-rin-ng-tapa-tocino-at-iba-pa http://www.gmanetwork.com/news/story/514006/showbiz/chikami . . .
0 Comments
Leave a Reply. |
AuthorLyka Ugarte: 1st Runner-Up Mutya ng Pilipinas 1983, "The Most Beautiful Girl in the Phil" 1983. Represented the Phil. in "The Most Beautiful Girl in the World" in Honolulu, Hawaii in 1984. An Actress, A Model, A Mother, A Friend, A Survivor! ArchivesCategories |